Pulong ni PBBM sa nangungunang vaccine manufacturer sa Indonesia, pinuri ni House Speaker Martin Romualdez

Kahalagahan ng pagkakaroon ng bakuna laban bird flu, prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pulong sa Indonesian animal health firm PT Vaksindo Satwa Nusantara, ayon kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Pinuri ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang initiatiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bilisan ang pagkuha sa mga bakuna kontra avian flu na makakatulong sa pagpapabalik-sigla sa nasalantang sektor ng pagmamanok, na makakatulong sa pagsisigurong abot-kaya ang pagkain sa hapagkainan ng bawat Pilipino.

Nakipagpulong ang Pangulo, na tumatayo ring kalihim ng Department of Agriculture, sa mga opisyal ng nangungunang kumpanya para sa animal health ng bansang Indonesia PT Vaksindo Satwa Nusantara.

Nagpahayag ang mga opisyal ng Vaksindo sa kahandaan at kagustuhan nitong makipagtulungan sa kanilang kasosyo sa Pilipinas na Unahco Inc. (Univet Nutrition and Animal Healthcare Company) Philippines pagdating sa paglikha ng veterinary vaccines.

Patunay rito ang paglagak ng Vaksindo ng US$2 milyon ngayong taon sa kanilang kasosyong Pilipino para simulan ang paglikha ng mga bakuna sa Pilipinas.

Nais rin magpadala ng Vaksindo ng bakuna kontra avian flu sa Pilipinas.

“The early delivery of Vaksindo vaccines could spur the revitalization of our country’s poultry industry which has faced serious challenges due to the continuing threat of the avian flu,” ani Romualdez.