Pulis Navotas, guilty sa pagpaslang kay Jemboy Baltazar

Hinatulan ng guilty si Police Staff Sergeant Gerry Maliban ngayong Martes kaugnay ng pagkakapatay kay Jemboy Baltazar noong Agosto 2023.

Hinatulan ng guilty si Police Staff Sergeant Gerry Maliban ngayong Martes kaugnay ng pagkakapatay kay Jemboy Baltazar noong Agosto 2023.

Sa panayam sa ina ng biktima na si Rodaliza Baltazar, apat na taong pagkakabilanggo ang hatol kay Maliban sa kasong homicide.

“Siya po apat na taon lang siya makukulong. ‘Yung anak ko habang buhay na wala. Pinagtulong-tulungan nila ‘yung anak ko barilin tapos ano? Gano’n lang? Makakalaya lang sila,” wika ni Baltazar.

“Sana maramdaman nila din ‘yung nararamdaman ng pamilya ko ngayon na sobrang sakit na pagkawala ng anak ko. Sana sila rin,” dagdag pa niya.

Si Maliban ay isa sa anim na pulis mula Navotas na bumaril kay Baltazar noong nakaraang taon. Kwento ng kaibigan ng biktima, hinahanda nila ang kanilang bangka para mangisda nang dumating ang mga pulis. Sinubukan nilang sumuko ngunit nagpaulan na umano ng bala ang mga parak. Nagtamo si Baltazar ng tama sa ulo at kamay.

Aminado ang pulisya na isang insidente ng mistaken identity ang nangyari. May hinahabol umanong kriminal ang mga parak nang datnan nito sina Baltazar.

Samantala, ang mga kasamahan naman ni Maliban na sina Sgt. Roberto Balais, staff Sgt. Nikko Esquilo, corporal Edmard Jade Blanco, at patrolman Benedict Mangada ay guilty sa kasong illegal discharge of firearms. Napawalang-sala naman si Staff Sgt. Antonio Bugayong.