Pulis ito, lah! 2 Singaporean nagtangkang magpuslit ng droga, arestado sa NAIA

Isinilid sa lalagyang lata ang mga hinihinalang cocaine na umabot sa halos 15 na kilo, ayon sa mga awtoridad

Timbog ang dalawang banyaga na nagtangkang magpuslit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P76 milyon Huwebes ng madaling araw, Setyembre 28.

Arestado ang dalawang Singaporean ng NAIA Interagency Drug Interdiction Task Group na kinilalang sina Siti Aishah Awang, 63, at Nur Alavuyah Binti Hanaffe, 39. Nagmula pa sila sa Doha, Qatar.

Kinuha sa dalawang suspect ang aabot sa 15 kilo ng puting mala-pulbo na substance na hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P76 milyon, ayon sa task group na pinagsama-samang operatiba na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Nakalagay ang hinihinalang cocaine sa mga pellets, at isinilid ito sa apat na container na yari sa lata, at dalawang lalagyang hugis silindro.

Pansamantalang ikinulong ang mga suspek habang inaayos ng mga awtoridad ang kasong isasampa sa mga ito.