Protesta na naman: Tigil-pasada ikinasa kontra sa planong phaseout ng mga jeep

Kailangang magplano nang mabuti ang mga pasahero simula Lunes, Oktubre 16, dahil sa nakakasang tigil-pasada ng grupong Manibela bilang protesta sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.

Ikinasa na ng isang transport group ang isang tigil-pasada simula susunod na Lunes, Oktubre 16, bilang protesta sa planning pag-phaseout sa mga lumang jeepney.

“Simula sa susunod na Lunes, hindi tayo bibiyahe,” pagbabanta ni Mar Valbuena, na pinuno ng grupong manibela.

Nanawagan rin siyang magbitiw na sa tungkulin si Department of Transportation (DOTR) Secretary Jaime Bautista at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chair Teofilo Guadiz III dahil aniya sa korupsiyon patungkol sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan.

“Dadalhin natin ‘yung mga sasakyan natin sa harapan ng LTFRB Main, sa harapan DOTR hanggang Malacañang. Doon natin ibubusina ito. Doon natin itatambak ang ating mga sasakyan. Kung ayaw na tayong bigyan ng kabuhayan,” dagdag pa ni Valbuena.

Pinabulaanan naman ni Guadiz ang akusasyon ni Valbuena. Aniya, haharapin niya ang mga reklamo kung meron man.