Problemado sa pagbaha: Mahigit 100 barangay, delikado sa matinding baha, ayon sa DENR

Dahil palala na nang palala ang climate change, palala na rin nang palala ang epekto nito. Isa na diyan ang matinding pagbaha, na ayon sa DENR ay makakapinsala ng matindi sa mahigit 100 barangay sa bansa.

Sa gitna ng lumalalang epekto ng climate change, tinukoy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mahigit 100 barangay sa bansa na pinakananganganib sa baha.

Hindi tinukoy ni Environment Undersecretary Carlos David ang mga barangay na ito, ngunit sinabing marami sa mga ito ay matatagpuan sa tabi ng Pampanga River, na bumabagtas sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, at Nueva Ecija.

Binigyang-diin din ni David na ang kailangan na kailangang maging maagap at madiskarte ang mga barangay na ito upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa kanilang lugar.

Dagdag pa ni David, kailangan rin matutunan ng mga barangay kung paano magagamit pa sa ibang paraan ang tubig baha at huwag laamang ito papuntahin sa karagatan.

“Kailangan nating maunawaan na ang tubig baha ay ginagamit din para sa irigasyon, domestic use, aquaculture, ecotourism at hydro power,” saad ni David. “Kaya bakit ang agarang solusyon ay dalhin ang tubig baha sa karagatan. Ang diskarte natin ay dapat itabi ang tubig, i-impound, para magkaroon tayo nito para magamit sa hinaharap.”