Proactive dapat! Paghahanda sa La Niña itinutulak ni Revilla

Nagpaalala si Senador Ramon "Bong" Revilla, Jr. sa ilang sangay ng gobyerno na maging alerto sa posibilidad ng La Niña phenomenon ngayong taon.

Nagpaalala si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa ilang sangay ng gobyerno na maging alerto sa posibilidad ng La Niña phenomenon ngayong taon.

Ito ay kasunod ng pag-anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng La Niña Watch.

“We just have to remind them again. Hindi yung every time, nagiging reactive na lang. Dapat talaga proactive,” saad ni Revilla sa isang radio interview.

Ani Revilla, mabigat ang gampanin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paghahanda sa La Niña.

“Ngayon pa lang, dapat yung mga silted na mga ilog, hinuhukay na nila. Sinabi ko na dati sa DPWH, bumili na sila ng mga backhoe nila. Hukayin na nila para hindi na lumubog yung mga lugar,” aniya.

Batay sa ulat ng PAGASA, humihina na ang El Niño at may 55% tsansa na tumama ang La Niña sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto ngayong taon.

“We always have to be one step ahead. Preparedness is just as important as resilience. Hindi pwedeng kapag andyan na yung ragasa ng baha, saka pa lang magkukumahog. Our vulnerability to natural calamities should be our constant reminder to always be equipped to withstand severe weather conditions which are expected given our geographical location,” dagdag pa ng senador.