Price increase sa pamasahe tatalakayin na ng LTFRB, transport groups

Tatalakayin na ng LTFRB ang kahilingan ng mga transport groups na taasan ang pamasahe sa jeep dahil sa patuloy na pagtaas ng presyong petrolyo.

May posibilidad na taasan ang pamasahe sa mga pampasaherong jeep kung maaaprubahan Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hiling ng mga jeepney operators at transport groups.

Sa katunayan, nakatakda nang talakayin ng LTFRB sa Setyembre 26 ang petisyon ng transport groups para dagdagan ng P5 ang minimum fare ng mga jeep at magpatupad rin ng provisional adjustment na P1 kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Kabilang sa mga grupong ito ay ang Alliance of Transport Operators and Drivers’ Associations of the Philippines (ALTODAP) at Pasang Masda and Alliance of Concerned Transport Organizations.

Kaugnay rito ay nakakasa na rin ang isa pang price adjustment kung saan madadagdagan P0.30–P0.60 kada litro ang diesel, P0.10–P0.40 kada litro ng gasolina, at P0.20–P0.50 kada litro ng kerosene.

Sa isang panayam sa radyo, pinaliwanag ni ALTODAP president Melencio Vargas na umaaray na ang mga driver ng pampasaherong jeep sa mataas na presyo ng petrolyo at nagpapatuloy na lamang mamasada dahil ito na lang ang kanilang mapagkakakitaan.

Nanawagan rin si Vargas sa pamahalaan na gumawa ng database upang masigurado nitong mabibigyan ng fuel subsidy ang mga beneficiaries nito, na aniya ay makakatulong nang malaki sa mga driver.