Presyo watch: Pataas tayo, guys! Diesel, gasolina, nakatakdang tumaas ngayong linggo

Bagaman hindi inaasahan na direktang maaapektuhan ang Pilipinas ng giyera sa Israel, sinasabing makakaapekto naman ito sa presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas. Sa katunayan, magtataas nanaman ngayong linggo ang presyo ng diesel, gasolina, at kerosene.

May nakaambang pagtaas nanaman sa presyo ng krudo ngayong linggo.

Ayon sa price forecast ng Unioil, inaasahan nito ang P1.30 hanggang P1.50 kada litrong pagtaas sa presyo ng diesel at P0.90 hanggang P1.10 kada litro naman sa gasolina.

Ganito rin ang estima ng isa pang source sa industriya ng langis, na nagsabing asahan na ang mahigit P1 na pagtaas sa presyo ng kerosene at P0.85 hanggang P1.10 para sa gasolina.

Sinasabing epekto ang mga pagtaas ng patuloy na karahasan sa Israel, na kasalukuyang kinakalaban ang grupong Hamas.

Sa kabuuang datos ng Department of Energy, P12.80 kada litro na ang itinaas ng presyo ng gasoline sa huling 12 buwan, samantalang P10.40 kada litro naman sa diesel at P4.99 kada litro sa kerosene.
Iaanunsiyo ang mga price adjustments sa Lunes, Oktubre 22, at magiging epektibo sa Martes, Oktubre 23.