Presyo ng itlog, dahan-dahang tumataas – industry groups

Tumaas ang presyo ng itlog dahil sa mababang supply sanhi ng mga nasalantang manok noong Bagyong Egay at Goring sa Hilagang Luzon, at pagkalat ng bird flu sa ibang mga lugar sa bansa, ayon sa mga industry groups.

Unti-unti nang tumataas ang presyo ng itlog dahil sa mababang supply at umaakyat ng pangangailangan sa nalalapit na holiday season, ayon sa mga grupo.

Tumaas sa pagitan ng P0.20 at P0.30 ang farmgate prices ng itlog ngayong linggo kumpara sa nakalipas na linggo, ayon kay Gregorio San Diego, chairman ng United Broiler Raisers Association at Philippine Egg Board Association.

Umabot na sa P6.55 kada isang medium-sized na itlog mula sa P6.35 noong nakalipas na linggo.

Ayon kay San Diego, epekto ng mga bagyong Egay at Goring ang mababang supply ng itlog sa Hilagang Luzon dahil sa mga namatay ng manok at sa mga ibong nasalanta ng bird flu.

“Nitong mga nakaraang buwan, talaga namang lugi ang mga nasa negosyo ng paitlugan kasi… mura ang presyo ng itlog pero tumataas ang aming cost lalo na ang feeds, fuel, at kuryente,” aniya.

“Kapagka P5.00, lugi na kami diyan kasi ang kinakain ng isang manok sa isang araw ay halos P5.00 na, feeds pa lang ‘yan,” dagdag pa niya.

Inaasahang tatagal ang mababang supply ng itlog hanggang unang anim na buwan sa susunod na taon, bago maging normal sa ikalawang semetre ng 2024, ayon kay San Diego.