Prayoridad dapat ang well-being: Panukalang pagtatayo ng mental health center sa bawat rehiyon, isinusulong sa Kamara

Tinatayang nasa 3.6 milyong Pilipino ang may mental, neurological, o substance use disorder.

Pormal nang isinumite sa Kamara ang House Bill (HB) No. 3582, o ang “Mental Health Center Establishment Act,” upang tugunan ang mga problema ng Pilipino sa mental health at well-being.

“Mental health and well-being should be a priority of our government and there is no denying that there is a need for more mental health centers in the regions,” paliwanag ni AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes, na co-author ng HB 3582.

Layon ng naturang panukala na gawin mas accessible ang mental health care sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at isa sa mga paraan para masiguro ito ay ang pagpapatayo ng mental health facilities sa bawat rehiyon.

BASAHIN RIN: LGUs hinimok na mas tugunan ang mental health problem

Partikular na ikinababahala ni Reyes ang datos ng Department of Health na tinatayang nasa 3.6 milyong Pilipino ang may mental, neurological, o substance use disorder.

“While more and more people are suffering from mental health issues, access to mental health services in the country remains limited due to stigma and lack of resources,” aniya.

“Nakakalungkot dahil marami pa rin sa ating mga kababayan lalo na sa probinsya ang walang access sa mental health care.” Ang HB3582 ay pending na sa House Committee on Health.