Pramis yarn! PBBM, nangakong walang magugutom sa kanyang pamamahala

Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang Pilipinong magugutom sa kanyang panunungkulan. Kaugnay nito, tiniyak niyang ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang matiyak ang food security sa bansa.

May matinding pangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino: “Walang gutom.”

Sa BBM VLOG 250: “Libreng Bigas,” tiniyak ng pangulo na may sapat na suplay ng bigas matapos nitong tanggalin ang price ceiling sa presyo nito.

“Sapat ang suplay ng bigas, at tuloy-tuloy ang suporta sa ating magsasaka’t mamimili, maging ang pagtugis sa mga smuggler at hoarder,” pahayag ni Marcos sa kaniyang video.

Ang food security rin aniya ang magiging batayan ng tagumpay ng pamahalaang Marcos, na patuloy rin ipinamamahagi ang mga smuggled rice na nasakote ng iba’t ibang operasyon ng Bureau of Customs at iba pang kawani ng gobyerno.

“Sa Bagong Pilipinas, ito ang magsisilbing sukatan ng ating panunungkulan—walang gutom o pangamba pagdating sa pagkain,” pagtitiyak ng pangulo.

“Mga kababayan, ginagawa natin ang lahat upang masiguro ang tuloy-tuloy na pag-istabalisa at pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado,” dagdag pa ni Marcos.