Porta Mariae sa Naga City, muling binuksan matapos ang halos isang dekada

Binuksan muli ang Porta Mariae Memorial Arch sa Naga City kasabay ng pagdiriwang ng Peñafrancia Festival.

CAMARINES SUR – Muling binuksan sa publiko ang Porta Mariae Memorial Arch o ang Marian Gate na matatagpuan sa Naga City Metropolitan Cathedral nitong Setyembre 9, 2023 kasabay ng selebrasyon ng Peñafrancia Festival.

Noong Setyembre 9, 2010 nang isinagawa ang inagurasyon ng Porta Mariae sa pangunguna ni Archbishop Leonardo Legaspi, subalit hindi lamang ito simpleng arko dahil nagsisilbi rin itong museum.

Sa loob nito matatagpuan ang Our Heritage, Our Identity Section, tampok ang mga artifacts ng mga sinaunang pari gaya ng Biblia, Pectoral Cross, Skull Cap, Chalice at ang kampana na ginamit noong unang panahon maging ang korona ni Santisimo Rosario.

Sa Tercentenary Hall Section naman makikita ang blue print ng disenyo ng Porta Mariae, paintings gaya ng traslacion procession at fluvial procession habang sa Lindong ni Ina Section, makikita ang sampung talampakang imahen ng Inang Peñafrancia na gawa sa tanso na nasa tuktok ng Marian Gate.

Samantala, bukas na lamang ang Porta Mariae Museum hanggang Setyembre 16, 2023 mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon na may entrance fee na P30.00.