PNP: Viral ‘chop chop’ syndicate, fake news!

Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na post sa social media tungkol sa umano’y chop-chop syndicate na nambibiktima ng mga motorista sa iba't ibang lugar sa Metro Manila.

Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na post sa social media tungkol sa umano’y chop-chop syndicate na nambibiktima ng mga motorista sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Ayon kay PNP chief Police Gen. Benjamin Acorda, Jr., isa lamang hoax o fake news ang naturang mensahe batay sa imbestigasyon ng kapulisan.

Nai-report na rin aniya ang kaparehong insidente noong 2017 ngunit wala namang anumang ulat ng kaso na kahalintulad ng scenario na binanggit online.

Ayon sa post, tinukoy ang mga lugar sa Quezon City, Manila, at Taguig tulad ng Green Meadows, Valle Verde, Binondo, at C5 malapit sa BGC bilang mga lugar ng operasyon ng umano’y sindikato.

Ngunit sinabi ng Southern Police District at Quezon City Police District sa magkahiwalay na mensahe na fake news lamang ito.

Pinayuhan ng kapulisan ang netizens na beripikahin muna ang mga impormasyong nakakarating sa kanila bago ito i-share sa social media.

Anila, may kaakibat na kaparusahan ang pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot sa publiko.