PNP: P155 milyon natangay ng mga scammer sa unang 8 buwan ng 2023

Umabot na sa P155 milyon na nakuhang pera ng mga scammer sa unang walong buwan ng taon, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Tinatayang aabot sa P155 milyon ang nawala sa mga scam at pangbubudol sa bansa sa unang walong buwan ng taon, ayon sa Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

Ayon sa ACG, madalas na ginagawang modus ng mga scammer ay ang online selling scam kung saan may nakabinbin na 3,600 na reklamo na nagkakahalaga ng P68.8 milyon sa kabuuan.

Kasama rin sa listahan ng modus ng mga scammer ang investment scam, ATM fraud, phishing, call scam or vishing, at employment scam.

Umamin ang pulis na bagama’t marami na ang nag-uulat na biktima ng scam, hindi nila masampa ang reklamo sa fiscal dahil hindi matukoy ang pagkakakilanlan ng mga scammer.

Mula sa 8,609 na reklamo sa PNP-ACG, tanging 133 na reklamo lang ang idinulog sa fiscal dahil ito lang ang mga natukoy ang pagkakakilanlan. 574 na reklamo naman ang patuloy na iniimbestigahan.

“Ang investigation kasi ng PNP, aabot sa bangko. Kukuha kami ng info sa bangko at kailangan namin ng cyberwarrant. Sa GCash and other e-wallets, ‘pag nilabas na sa amin ang information, lumalabas na fictitious ang identity. ‘Pag fictitious, we cannot file a case against those personalities. Kailangan kasi makilala namin ang may-ari ng account kasi sa kanya pumapasok ang pera,” ani PNP-ACG director Brig. Gen. Sidney Hernia.

Isang nakikita rin na problema ngayon ng pulis sa mga bangko ay ang non-appearance ng mga may-ari ng bank account. May mga bangko na pumapayag nang walang appearance ang mga depositor para makapagbukas ng account, ayon sa opisyal.

“Ang opening po kasi ngayon ng bank account, online eh… ’Yong pwedeng makapagrehistro, ‘yong system hindi ganoon ka-efficient, walang algorithm na pwedeng makapag-identify na ‘yon ang tao mismo… You can upload fictitious documents,” ani Hernia.