PNP-IAS, nagrekomenda na magpataw ng 59-araw na suspensyon sa lahat ng pulis na sangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar

Dawit sa rekomendasyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang iba pang mga tauhan nito na may kinalaman sa imbestigasyon sa pagpatay kay Jemboy Baltazar sa Navotas City.

Pinasususpindi ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ng hanggang 59 na araw ang higit sa 20 pulis na may kinalaman sa pagpatay kay Jemboy Baltazar sa Navotas City.

Kasama sa mga sususpindihin ang mga imbestigador na hindi isinaayos ang crime scene, at nagsagawa ng karagdagang tests sa mga pulis na sangkot sa pagbaril kay Baltazar, ayon kay PNP-IAS inspector general Atty. Alfegar Triambulo

Ang naturang rekomendasyon ay para sa ikalawang batch ng administrative cases laban sa mga pulis, paliwanag ni Triambulo.

Kasama pa sa suspensyon ang walong pulis na hinatulang maysala sa naunang mga kaso na Grave Irregularity in the Performance of Duty at Conduct Unbecoming of a Police Officer.

Naunang inaprubuhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang rekomendasyong sisantehin sa trabaho ang walong pulis na sangkot sa operasyon.

May dalawang pulis na nagsilbing imbestigador sa kaso ang pinasususpindi ng PNP-IAS ng 30 araw dahil sa mga nakitang kapalpakan nila.