PNP handang sumaklolo sa mga maaapektuhan ng transport strike

Ginarantiya ng Philippine National Police (PNP) ngayong Huwebes na aalalayan ng kapulisan ang mga pasahero na maaapektuhan ng transport strike ng ilang transport group sa susunod na linggo.

Ginarantiya ng Philippine National Police (PNP) ngayong Huwebes na aalalayan ng kapulisan ang mga pasahero na maaapektuhan ng transport strike ng ilang transport group sa susunod na linggo.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, magiikot ang kanilang mga sasakyan upang magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero.

Ito’y matapos ianunsyo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) at ng Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ang malawakang tigil-pasada sa susunod na linggo.

“Habang nagpapatrol yung mga pulis natin sa daan at may matitiyempuhan dyan na kasama kayo sa naapektuhan ng transport strike, parahin niyo lang yung mga patrol vehicles ng PNP at aalalayan at bibigyan kayo ng assistance para makarating doon sa inyong mga patutunguhan,” saad ni Fajardo.

Tiniyak din ni Fajardo ang proteksyon ng mga magsasagawa ng kilos-protesta.

“This early ay nakikipag ugnayan na tayo sa transport groups para mabigyan din natin sila ng protection at maidentify yung mga possible rally areas nila para hindi naman ito maging cause ng traffic obstruction or traffic congestion. Ibibigay natin sa kanila ang araw na yan but of course we will exercise maximum tolerance para naman hindi magkaroon ng anumang gulo kung darating yung araw na talagang magra-rally sila sa mga kalsada nila,” aniya.

Ang tigil-pasada ng Piston at Manibela ay bilang pag-protesta sa April 30 na deadline ng pamahalaan sa consolidation ng mga pampublikong sasakyan. Ang consolidation ng mga prangkisa ay sang-ayon sa modernization program ng gobyerno.