PNP, bumuo na ng grupo na tutugis sa mga suspek sa pagpatay sa abogado sa Abra

Tinututukan na ng mga pulis ang kaso sa pagpatay sa isang abogado sa Abra, at bumuo na ito ng special investigation task group na tutunton sa mga suspek.

Bumuo na ng special investigation task group (SITG) na mag-iimbestiga sa pagpatay sa isang abogado sa Abra noong Huwebes, Setyembre 14, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief General Benjamin Acorda Jr.

“An SITG was created. May mga videos na rin kaming nakuha. So we’re just waiting for the result of the investigation,” ani Acorda sa isang pulong balitaan.

Kinastigo naman ng tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ) ang malagim na pagpatay sa abogadong si Maria Saniata Alzate.

“We hope the manhunt operation will result in the murderer’s capture so he or she can feel the full force of the rule of law,” ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano.

Binaril si Alzate ng hindi pa nakikilalang mga indibidwal sa loob ng sasakyan habang naka-park ito sa labas ng kanilang bahay sa Bangued. Namatay ang biktima habang dinadala sa ospital.