PNP: 474 gun ban violators kalaboso; 2,800 pulis na re-assign

Philippine National Police, nakahuli na ng 474 gun ban violators simula nang ibaba ang pagbabawal ng armas noong Agosto 28. Ni-reassign na rin ang mahigit na 2,000 pulis na may mga kumakandidatong kamag-anak.

All-out ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng mga batas na may kinalaman sa papalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) nitong Oktubre 30.

Sa katunayan, ayon PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, 474 gun ban violators na ang nahuli ng kapulisan, at kabilang sa mga kalaboso ay mga pulis rin o sundalo. Dagdag pa ni Fajardo, 286 na armas na ang nakumpiska ng PNP, kabilang na ang 273 small firearms simula nang ibaba ang gun ban noong Agosto 28.

Bukod pa rito ay ni-reassign na rin ng PNP ang humigit-kumulang 2,800 na pulis na may mga kamag-anak na tumatakbo sa lugar kung saan sila naka-assign. Ito ay ayon na rin sa mga guidelines ng PNP.

“Our rule is that our personnel must declare if they have relatives up to the 4th degree of consanguinity or affinity who are running for any position so that they would be re-assigned to other areas,” pahayag ni Fajardo

Kaugnay nito, tiniyak ni Fajardo na mas pag-iigtingin pa ng kapulisan ang pagpapatupad ng mga batas na naglalayong panatilihin malinis at mapayapa ang BSKE.