PNP: 2 dosenang pulis, positibo sa paggamit ng iligal na droga

24 na pulis ang sinibak ng Philippine National Police matapos mag-positibo sa random drug test na ginagawa ng pamunuan nito simula Enero ngayong taon.

Dalawang dosenang pulis na ang nag-positibo na sa mga random drug test na ginawa ng Philippine National Police (PNP) ngayong taon.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni PNP Forensics Group director Brig. Gen. Constancio Chinayog na 115,983 na tauhan ng PNP ang sumailalim sa random drug test simula Enero ngayong taon.

“Out of this, meron tayong positive na 24. Percentage-wise, let me put this into perspective, this is just 0.02%,” aniya.

Kasong administratibo ang mga kakaharapin ng mga nagpositibo sa drug test, paliwanag pa ni Chinayog.

Kasama na rito ang asuntong conduct unbecoming of a police officer, na may parusang pagkakasibak mula sa serbisyo at pagkansela ng lahat ng retirement benefits.

Binigyan naman ng pamunuan ng PNP ang mga nagpositibo ng 15 na araw para i-challenge ang resulta, at sumailalim sa confirmatory testing. May pagkakataon kasi na “false positive” ang mga drug test.

Noong nakalipas na linggo, nagpositibo sa random drug test si Mandaluyong police chief Col. Cesar Gerente. Nanatili ang resulta sa kanyang confirmatory test kaya sinibak na ito ng tuluyan ni Eastern Police District director Brig. Gen. Wilson Asueta.

Itinalaga naman ni Asueta si Col. Mary Grace Madayag bilang officer in charge ng Mandaluyong police.