Pirma na lang ng pangulo: Aprubadong national budget para sa 2024, nakatuon sa pagtulong sa mga maralitang Pilipino—Romualdez

Partikular na popondohan ng "pro-poor" na national budget para sa 2024 ay ang mga legacy projects ng pangulo na may kinalaman sa pagkain, trabaho, kalusugan, edukasyon, at kabuhayan.

Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na layon ng aprubadong 2024 national budget na mas tulungan pa ang mga maralitang Pilipino na maiangat ang antas ng kanilang buhay.

Aniya, “pro-poor” ang nasabing budget, na naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para maging ganap na batas. Ito rin aniya ay nakatuon sa pagbibigay serbisyo sa mga mahihirap na mamamayan ng bansa.

“Some salient features of the 2024 budget have made sure, on the part of the House, that this budget will be one in fighting inflation because the prices of goods are increasing, and it will be very much pro-poor. We are very much focused on the social service and social welfare program for the poor,” paliwanag ni Romualdez nitong Martes, Disyembre 12.

Ayon pa sa Speaker, mas pinalawig pa ng pamahalaan ang depinisyon ng pagiging maralita upang mas maraming matulungan ang pamahalaan.

“And we actually expanded that definition… We’re trying to expand that to the near-poor, so to speak. We’ll be adding more families. We’ll be more inclusive in that sense. So all the social services will be provided for them,” aniya.

Dagdag naman ni Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, ang nasabing budget ang nakahanay rin sa iba pang mga programa ng pamahalaan sa kalusugan, infrastructure, at food security.

“Pagkain, trabaho, kalusugan, edukasyon at pabahay—’yan ang mga pamana ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na bibigyang katuparan sa pamamagitan ng pambansang budget sa 2024 at mga susunod na taon,” ani Co.

Partikular na popondohan ng budget para sa 2024 ay ang mga legacy projects ng pangulo na may kinalaman sa pagkain, trabaho, kalusugan, edukasyon, at kabuhayan.