Pinatagong yaman? 1,000 katao sumugod sa Bangko Sentral

Kinalampag ng higit 1,000 katao ang labas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Miyerkoles upang kunin ang 'di umano'y P130 trilyon na pera ng taumbayan.

Kinalampag ng higit 1,000 katao ang labas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Miyerkoles upang kunin ang ‘di umano’y P130 trilyon na pera ng taumbayan.

Ayon sa lider ng grupo na si Gilbert Langres, ang naturang halaga ay katumbas ng halaga ng ginto sa kasalukuyan. Nag-mature na umano ang halaga na pinatabi sa BSP at handa na itong kunin ng sambayanan.

“Ito ang tinatawag na ang Bagong Lipunan, which is printed with a backup of gold amounting to more than P130 trillion intended for all Filipinos. Ang kayamanang nakatago dito sa Bangko Sentral ay fully matured na,” wika ni Langres sa ulat ng GMA News.

Itinanggi naman ng BSP na may pinatabi sa kanilang ginto.

Bukod pa rito, nilinaw nila na hindi sila direktang nagbibigay ng pera sa taumbayan.

“Nais linawin ng BSP na hindi ito direktang nagbabahagi ng salapi sa taumbayan. Sa halip, ang BSP ay nagbibigay ng dibidendo sa pamahalaan upang maka-ambag sa mga programang makapag-aangat ng kabuhayan ng mga Pilipino,” saad ng BSP sa isang pahayag.

Napauwi naman nang maayos ang mga sumugod na indibidwal matapos ang dayalogo sa mga pulis.