Pinas mas malakas boses sa climate change issue – PBBM

Tiyak na magkakaroon ng mas malakas na impluwensya at boses ang Pilipinas sa usapin sa climate change.

Tiyak na magkakaroon ng mas malakas na impluwensya at boses ang Pilipinas sa usapin sa climate change.

Ito ay matapos manalo ang Pilipinas sa Loss and Damage Fund Board (LDFB).

Ayon kay Pangulong Marcos, magandang balita ito para sa mga ordinaryong Filipino.

“Ngayon, ang Loss and Damage Fund Board ay — magho-host ay ang Pilipinas. Kaya naman ay magiging malaki ang ating impluwensiya para lahat ng ating pangangailangan, lahat ng ating pananaw tungkol dito sa subject matter na ito ay maaari nating sabihin at maaring magka-influence tayo, sasabihin natin hindi niyo naisip ito o ang kailangan niyo na gawin ay ganito. Lahat ng mga ganyan, may boses tayo na malakas,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ang Loss and Damage Fund Board ay isang mekanismong pinansyal na ibinibigay ng mga developed countries, sa pagresolba ng mga suliraning pangkalikasan na dulot ng mga industrial activities ng mga mayayamang bansa.

Ayon sa Pangulo, nagkasundo ang mga developed countries na bumuo ng pondong ito upang matulungan ang mga mahihirap na bansa na nagdurusa sa climate change na resulta ng mga industriyal na aktibidad ng mga mayayamang bansa.

“Halimbawa, gawin na lang nating halimbawa ‘yung Pilipinas. Ang Pilipinas ay wala namang kinalaman sa climate change. Wala tayong ginagawa, wala tayong nilalagay sa environment na sumira at nagkaroon ng global warming, nagkaroon ng ito — mga El Niño na ganito, mga bagyo na ganito. Wala naman tayong kinalaman diyan. Kaya naman dapat suportahan tayo ng mga developed countries,” pahayag ni Pangulong Marcos.