Pinahirapan muna: Gilas Pilipinas tinalo ang Thailand, 2-0 na sa Asian Games

Nailista ng Gilas Pilipinas ang ikalawa nitong panalo sa Asian Games ng patumbahin nito ang Thailand sa score na 87-72. Susunod nilang makakalaban ang Jordan.

Bagaman nahirapan sa simula, nakabawi naman unti-unti ang Gilas Pilipinas upang padapain ang Thailand, 87-72, sa pagpapatuloy ng men’s 5×5 basketball sa Asian Games.

Unang umalagwa ang Thailand sa first quarter nang umabante ito ng 10 puntos, 22-12, sa likod ng mainit na kamay ni Tyler Lamb, na umiskor ng 14 puntos sa unang yugto pa lamang.

Agad namang nakuha muli ng Gilas ang kalamangan matapos itong magpakawala ng 15-0 na nagsimula sa pagtatapos ng first quarter at pagsisimula ng second sa likod ng 8 puntos ni CJ Perez.

Unti-unti namang itinaas ng Gilas ang kalamangan nito pagdating ng ikatlong yugto, kung saan pinalobo ng tropa ni Tim Cone ang kalamangan sa 68-47. Hindi naman bumitaw basta-basta ang Thailand at naibaba pa ang kalamangan sa lima, 68-65, sa likod ng magandang laro ni Frederick Lish. Subalit muling nakaalagwa ang Gilas upang masungkit nito ang panalo.

Nanguna para sa Gilas si Justin Brownlee ng 19 puntos, samantalang 16 naman ang inambag ni Perez. Nagdagdag naman si Scottie Thompson ng 7 puntos, 8 rebounds, at 9 assists.

Susunod na kalaban ng Gilas ang Jordan. Ang mananalo ay didiretso na sa quarterfinals.