Pilipinas, kabilang na sa ‘work and holiday visa’ program ng Australian government

Isasama na ang Pilipinas sa mga bansa na kabilang sa “work and holiday visa” program ng Australian government.

Bubuksan na ng Australian Embassy sa Maynila para sa mga Pilipino ang “work and holiday visa” scheme sa susunod na taon.

Kasama ito sa naging bunga ng pagbisita ni Australian Prime Minister Anthony Albanese kamakailan, matapos makipagpulong kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Ayon sa mga opisyal, layunin ng mga bans ana pagyamanin pa ang ugnayan nito sa ekonomiya at kultura, maging ang pagpapatibay pa ng “people-to-people” links.

Ayon sa Australian Department of Home Affairs, ang mga kalahok sa work and holiday visa ay magpapahintulot sa kanilang magkaroon ng mas mahabang pagmamalagi sa Australia at makapasok sa mga short-term na trabaho para pondohan ang kanilang biyahe.

Kasama rin dito ang pagpayag na makapag-aral doon ng hanggang apat na buwan o magtrabaho ng tatlong buwan para sa pangalawang trabaho at holiday visa.

Isa sa mga magiging rekusitos para magawaran ng visa ay ang pagpapatunay na kayang suportahan ng aplikante ang kanyang sarili habang namamalagi sa Australia.

Para mapatunayan na kaya mamalagi doon, kailangan mapakita na mayroong A$5,000 (tinatayang P180,900) ang aplikante para sa initial stay, at karagdagang cash na sapat makabili ng ticket papunta at pabalik sa Australia, paliwanag pa ng home affairs department ng bansa.

Nagkakahalaga ang visa ng A$635 (tinatayang P22,974) at mabibigyan ang aplikante ng minimum na 12 buwan para mamalagi sa Australia.

Ayon sa embahada, magpapakalat ito ng karagdagang materyales tungkol sa visa sa mga susunod na araw. Iaanunsyo rin nila kalaunan ang unang araw na pagtanggap sa aplikasyo para sa visa.