Phivolcs: Walang tsunami matapos ang 6.6 magnitude na lindol sa Davao Occidental

Tiniyak ng Phivolcs na walang nakaambang tsunami matapos ang offshore earthquake na yumanig sa Davao Occidental.

Isang magnitude 6.6 offshore earthquake sa may Davao Occidental ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes, Setyembre 26, dakong 9:39 a.m.

Ayon sa Phivolcs, ang epicenter ng nasabing pagyanig ay 434 kilometro sa may timog-silangan ng Balut Island, Sarangani, Davao Occidental. May lalim itong 122 kilometro.

Wala naman naitalang intensity ang Phivolcs, na tiniyak ring walang posibilidad na magka-tsunami ng dahil sa nasabing lindol.

“No destructive tsunami threat exists based on available data,” pahayag ng Phivolcs.

Ang tsunami, ayon sa Phivolcs, ay mga sunod-sunod na alon na umaabot sa 5 metro ang taas. Ito ay karaniwang nangyayari tuwing may mga pagyanig sa ilalim ng dagat.