PhilHealth bukas sa pagsususpinde ng premium sa minimum wage earners

Pag-aaralan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang posibilidad na pansamantalang itigil ang paniningil ng premium sa mga minimum wage earner.

Pag-aaralan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang posibilidad na pansamantalang itigil ang paniningil ng premium sa mga minimum wage earner.

Kaugnay ito ng panawagan ni Marikina Representative Stella Quimbo na suspendihin muna ang paniningil ng premium sa mga ordinaryong manggagawa sapagkat may hindi pa nagagastos na pondo ang PhilHealh. Ang natitirang pondo, na nagkakahalaga ng P24 bilyon, ay mula sa premium subsidy na inilaan ng Kongreso sa PhilHealth.

Sa panayam ng Dobol B TV ngayong Huwebes, ibinahagi ni PhilHealth spokesperson Rey Baleña na may sapat na kapasidad ang ahensya sakaling ipatupad ang suspensyon sa paniningil ng premium sa mga minimum wage earner.

“Actually, pinag-aaralan na natin ‘yan. Napaka-gandang proposal at siyempre lahat naman ng mga proposal na makakabuti sa mga kababayan natin, makakapagpagaan, why not?” ani Baleña.

“Ngayon, kung made-deplete po ba? Hindi pa ho. Hindi made-deplete. Kasi talagang financially very robust po ang PhilHealth. Granting na iyan po ay mangyayari, maisasakatuparan, hindi po tayo naniniwala na made-deplete,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan ay 5% na ang premium rate ng PhilHealth. Ibig sabihin, ang P500 ang kontribusyon buwan-buwan ng mga empleyadong nasa P10,000 ang sahod.