PH Embassy in Morocco: Wala pang naitalang Pinoy na nasaktan sa paglindol doon

Tinamaan ng magnitude 6.8 na lindol ang bansang Morocco noong Setyembre 8, at sa ngayon, wala pang Pilipino ang napapaulat na nasaktan, ayon sa Philippine Embassy in Morocco.

Wala pang Pilipino naitatalang nasaktan sa Morocco matapos magkaroon matinding lindol doon noong Biyernes, Setyembre 8, kung saan may naitalang namatay na umabot sa halos 300.

Ayon kay Philippine Ambassador to Morocco Leslie Baja, patuloy na nagmamatyag ang embahada sa sitwasyon habang patuloy pumapasok ang mga updates mula sa mga awtoridad doon.

“An earthquake with a magnitude of 6.9 occurred about 82 kilometers southwest of Marrakech. Embassy people are ok. We are checking the situation of the Filipino community,” ani Baja. “This far, (there are) no reports of injuries.”

Sa pagtaya ng United States Geological Survey, isang magnitude 6.8 na lindol na nangyari ng 10:11 ng gabi, Setyembre 8.

Ayon sa Interior Ministry ng Morocco, umakyat na sa 296 ang mga namatay, habang 153 naman ang sugatan at patuloy na nagpapagaling sa mga pagamutan.

Naramdaman ang matinding pagyanig sa iba’t ibang mga lungsod sa bansa, kasama ang kabisera na Rabat. May mga makasaysayang gusali rin ang nasira dahil sa lindol.

Ayon sa Filipino community leader na si Regina Castillo, wala pa siyang natatanggap na ulat sa mga kababayan niya sa paligid ng Casablanca.

Nakatira si Castillo sa lungsod ng El Jadida, mga 230 km mula sa Marrakech. Sinabi niya na lubhang napakalakas ng lindol na kaagad lumikas silang mag-anak palabas ng kanilang tahanan sa takot na ito ay gumuho.

“For the moment, thank God na wala pa naman na re-report na nasaktan or napinsala na Pinoy. Wala pa ako natatanggap and hopefully, na wala at ligtas lahat ang ating mga kababayan na naririto sa Morocco,” aniya.

“Nasa El Jadida kami right now and yes, ramdam na ramdan. May phobia nga ang mga bata. Natatakot sila pumasok sa bahay,” dagdag pa niya.

Tinatayang may 4,600 na Pilipino na nagtatrabaho sa Morocco sa mga kabahayan, beauty salon, construction, at mga restaurant.