PH Embassy in Israel: 2 Pinoy na napabalitang nawawala, nagtago pala sa ‘safe room’

Kadalasang may mga “safe room” ang mga bahay sa Israel kung saan nakapagtago ang dalawang Pilipinong unang naiulat na nawawala, ayon sa mga awtoridad.

Mayroon nang limang Pilipino ang pinaghahanap ng mga awtoridad matapos sumugod ang militanteng Hamas sa Israel simula noong Sabado, Oktubre 7, ayon sa isang opisyal.

Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr., una nang nahanap ang dalawang Pilipino sa pitong pinaghahanap nang sumiklab ang kaguluhan.

“Actually lima na lang (ang unaccounted), ‘yung dalawa bale noong nag-clearing operations ‘yung IDF [Israel Defense Forces] may dalawa na nakita sila,” ayon kay Laylo.

“May mga safe rooms kasi diyan, dito sa mga bahay sa Israel. Doon sila nagtago. Noong kinatok ng IDF noong nag-clearing sila, natagpuan nila itong dalawang Pilipino na nagtatago,” dagdag pa niya.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng embahada sa mga awtoridad sa Israel upang mahanap ang mga nawawala at maseguro ang kaligtasan ng mga Pilipino sa gitna ng kaguluhan sa bansa.

Ayon kay Foreign Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega, wala pang natatanggap ang embahada na ulat na may Pilipino na nasaktan matapos ang pag-atake ng militanteng grupo sa Israel.

Aabot sa 30,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Israel, ngunit karamihan sa kanila ay wala sa katimugan ng bansa, kung saan malapit ang Gaza Strip.

Hindi pa rin napagpapasyahan ng kagawaran kung magrerekomenda itong magpatupad ng deployment ban sa Israel bunsod ng kaguluhan sa lugar, ayon kay De Vega.

Pansamantalang isinara muna ng embahada ang kanilang tanggapan simula Linggo, Oktubre 8 dahil sa kalagayan sa bansa.

“For emergencies, please contact the Embassy’s emergency number, +972-54-4661188,” ayon sa anunsyo.