Petrolyo Presyo Watch ngayong linggo: Isa muling rollback, maaasahan ng mga motorista

Magpa-full tank na kung kaya! Inaasahan ng Department of Energy ang rollback sa presyo ng petrolyo ngayon linggo. Gayunpaman, nagbabala ito na maaaring tumaas ito sa mga susunod na linggo.

Makakaasa ang mga motorista ng isa na namang rollback sa presyo ng petrolyo isang linggo bago ang Pasko. Ito ay dahil mataas ang pandaigdigang suplay ng langis sa merkado.

Ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau assistant director Rodela Romero, nakikita ng ahensiya na bababa ng P0.20–P0.40 kada litro ang presyo ng gasolina, P0.10–P0.35 kada litro para sa diesel, at P0.80–P1 kada litro ang kerosene.

“The said adjustments are attributed to the fundamentals of supply and demand, where world oil supply is higher by one million barrels per day against world oil demand until end of December 2023,” paliwanag ni Romero.

Gayunpaman, pinaalala rin niya sa publiko na maaaring magtaas muli ang presyo ng petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa “lingering factors such as the geopolitical conflict [and] the OPEC+ production cuts.”