PCG patuloy ang pagpatrol sa WPS

Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) na magpapatuloy ang kanilang pagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng umiinit na tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.

Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) na magpapatuloy ang kanilang pagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng umiinit na tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Sa kabila ng mga naranasan nating mga panggigipit sa ‘tin ng China Coast Guard at ‘yung mga nangyaring incidents, nananatili ang mga tauhan natin na tapat sa kanilang tungkulin na ipagpatuloy ‘yung utos ng ating pamahalaan na ilagay ‘yung presensya natin doon sa West Philippine Sea at ‘wag magpatinag doon sa nangyayari,” saad ni Balilo sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Nilinaw rin ni Balilo na ang layunin ng kanilang patuloy na pagbabantay sa WPS ay upang panatiliin ang kapayapaan at hindi upang patulan ang pangha-harass ng China.

“Subalit ang kailangan lamang dito ay ‘yung attitude nila, tignan na dapat ang kapayapaan ang panatiliin at ‘wag pumatol doon sa ginagawa ng China sa West Philippine Sea,” aniya.

Nitong Marso 23 lamang ay binomba ng China ng water cannon ang isang bangka ng Pilipinas na nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre.