PBED: Para mas maging ‘employable’ ang graduates ng Senior HS, habaan ang OJT nila

Kailangan ng mahabang workplace immersion ng mga estudyante ng senior high school para tumaas ang employability nila, ayon sa Philippine Business for Education

Isinusulong ng isang advocacy group na mabigyan ng mas mahabang workplace immersion or on-the-job training ang mga estudyante sa senior high school upang mas mapataas ang kanilang pag-asang matanggap sa trabaho.

Ito anya ang susi para mas maging “employable” ang mga bagong graduate, ayon sa opisyal ng Philippine Business for Education (PBED)

“Immersion is very important because it gives students also the interface with employers,” paliwanag ni Justine Raagas, executive director ng PBED, sa isang panayam nitong Lunes, Setyembre 4.

Ayon kay Raagas, nagkakaron ng pag-aalangan ng mga kumpanya na kumuha ng mga senior high school graduates dahil wala pa aniyang karanasan ang mga ito, lalo sa kumpanyang nais nitong pasukan.

“But what we found is that if they see the kids at the workplace, they see that they are capable, that’s when they are able to hire. Interface is very important, but at the same time, inputs to the curriculum to embed workplace-ready competencies,” paglilinaw ni Raagas.

Dagdag pa ni Raagas, naobserbahan nila na malaking tulong na ang kahit isang buwan work immersion dahil nakatutulong ito na makakuha ng trabaho ang mga estudyante o bagong graduate.