PBBM, Vietnam PM, nagkasundo sa kasunduang pag-angkat ng bigas

Nagkasundo ang Pilipinas at Vietnam sa isang kasunduang na mag-aangkat ng bigas para sa mamamayang Pilipino matapos ang bilateral meeting ng mga lider sa ASEAN Summit

Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinaplantsa na ng Pilipinas at Vietnam ang isang kasunduan tungkol sa pag-angkat ng bigas sa loob ng limang taon.

Ayon sa Pangulo, nagpagusapan na nila ni Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh ang kasunduan, at sang-ayon na sila pareho sa kabuuan nito.

Kasalukuyan na lamang binabalangkas ang mga detalye ng kasunduan, ani Pham.

“Our two countries will conclude an inter-government agreement on rice trade so that our rice export to the Philippines will ensure food security in the Philippines,” sinabi ni Pham sa mga mamamahayag pagkatapos ng kanilang bilateral meeting.

“We look forward to having a stable framework of cooperation on rice trade for a long period of at least five years,” dagdag pa ni Pham.

Sa pamamagitan ng kasunduan, makakasiguro ang gobyerno ng Pilipinas sa garantisadong pagdating ng bigas na inangkat mula sa Vietnam, paliwanag ni Pham.

Kasalukuyang nagpatupad ng price ceiling ang gobyerno sa presyo ng bigas upang awatin ang pagsipa nito sa merkado. Naninindigan ang mga awtoridad na sanhi ito ng iligal na pag-imbak ng bigas kaya tumataas ang presyo nito.

Nangako ang gobyerno na tutugisin ang mga hoarder ng bigas at paparusahan ito na naaayon sa batas.