PBBM sa Senado: Ipasa ang panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers ASAP

Kailangan maipasa agad ang panukalang batas bilang pagtupad ng Pilipinas sa umiiral na mga conventions sa mundo pagdating sa kapakanan ng mga seafarers, ayon sa Pangulo.

Hiniling ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagpasa ng Kongreso sa panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers na tutukoy sa mga karapatan at magbibigay kaseguruhan sa kapakanan ng mga Pilipinong manlalayag.

Sa liham ng Pangulo kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sinabi ng Pangulo na kailangan kaagad maipasa ng mataas na kapulungan ang Senate Bill No. 2221, o ang Magna Carta of Filipinos Seafarers.

“This is to address recurring deficiencies in the domestic laws pertaining to the training and accreditation of thousands of Filipino seafarers which endanger their employment in the European market in particular, and the global maritime arena, in general,” ayon sa Pangulo.

Sa pamamagitan ng panukalang batas, mai-aayon na ang polisiya ng Pilipinas sa umiiral na standards sa buong mundo, at garantiya rin ito na tutupad ang bansa sa mga international conventions patungkol sa kapakanan ng mga seafarers.

Aprubado na ng Kamara ang bersyon nila noong Marso ng kasalukuyang taon.