PBBM sa mga Pinoy: ‘Wag papaapi sa sariling bayan!

Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang mga aral ng Araw ng Kagitingan ay maisasapuso ng bawat Pilipino sa kasalukuyang panahon.

Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang mga aral ng Araw ng Kagitingan ay maisasapuso ng bawat Pilipino sa kasalukuyang panahon.

Sa kanyang talumpati sa Mt. Samat National Shrine ngayong Martes, inihayag ng pangulo na hindi katanggap-tanggap na ang mga Pilipino ay maging alipin sa sariling bansa.

“Ang mga ito ay hindi katanggap-tanggap. Hindi makatwiran at hindi matarungan lalo na sa panahong ito ng payapang pakikipag-ugnayan ng mga bansa,” anang pangulo.

Kaya naman, nanawagan si Marcos sa mga Pinoy na gawing inspirasyon ang kabayanihan ng mga sundalo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang mga kaganapan noong 1942 at ang tagumpay natin noong 1945 sa ating lahat. Tulad ng ipinamalas ng ating mga dakilang ninuno, hindi tayo dapat magpasupil at magpa-api, lalo na sa loob ng ating sariling bakuran,” aniya.

“Nawa’y mapagkunan natin ito ng ibayong kamalayan, tapang at lakas ng loob. Higit sa lahat, nawa’y patuloy nitong pagtibayin ang ating pagkakaisa at ang ating pagiging makabansa,” dagdag pa niya.

Nasa gitna ngayon ang bansa ng matinding agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, kung saan katunggali ang China.

Ilang ulit nang sinabi ni Marcos na hindi niya hahayaang may katiting na teritoryo ng bansa ang maisuko sa mga dayuhan.