PBBM: Price ceiling sa bigas, pansamantala lang ipatutupad

Ang price ceiling sa bigas na iiral simula Martes, Setyembre 5, ay pansamantala lamang. Ito ang pagtiyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantala lamang ang pagpataw ng price ceiling sa bigas upang sugpuin ang problema sa napakataas na presyo nito bunsod ng iligal na pag-imbak nito.

Kumikilos na ang gobyerno upang solusyonan ang problema, punto ni Marcos.

“Ngunit sa ngayon ay kailangan na masyado nang matagal, hindi bumabawi ang merkado, nahihirapan na ang tao. Kaya’t napilitan ang gobyerno na pumasok at magsabi na maglagay tayo ng price control para naman naghihirap na ang tao dapat naman ay huwag na nating dagdagan ang kanilang kahirapan,” paliwanag ng pangulo.

Nagkomento ang Pangulo tungkol sa usapin sa departure honors na iginawad sa kanya nitong Lunes, Setyembre 4, nang opisiyal siyang magtungo sa Jakarta, Indonesia kung saan siya dadalo sa ika-43 na pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) mula Setyembre 5 hanggang 7.

Nangako naman si Pangulong Marcos na pag-iigtingin pa ng gobyerno ang paghuli sa mga rice hoarder, na aniya ay malaking dahilan sa pagtaas ng presyo ng bigas.

Naghahanda na rin ng tulong ang gobyerno para sa mga apektadong rice retailer na posibleng malugi dahil sa takdang presyo ng bigas na simulang ipapatupad sa Martes, Setyembre 5.

“At habang ginagawa ‘yan, kinakalkula rin kung ano ang magiging lugi nung mga rice retailer dahil nga sa price cap. Kaya’t ang DSWD naman ay tiniyak namin na mayroon silang pondo, ihanda, upang ‘pag nakalkula na natin ang lugi ng mga rice retailer ay bibigyan naman natin sila ng tulong, katumbas na tulong,” ayon sa pangulo.

Siniguro rin ni Pangulong Marcos na may mga kaukulang plano ang kanyang gobyerno para matugunan ang sinasabing rice shortage sa bansa.

“Alam po namin na ito’y mga bago na sistema na ating ginagawa. Ngunit kagaya ng aking nasabi ay napipilitan tayo dahil sa mga pwersa na kung minsan ay ayaw tumulong sa ating mga kababayan,” ayon sa pangulo.