PBBM pinuri sa ‘di pagtakbo kay ‘Big Brother’

Bumilib si international maritime law expert Professor Jay Batongbakal sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag munang humingi ng tulong sa US sa pamamagitan ng mutual defense treaty.

Bumilib si international maritime law expert Professor Jay Batongbakal sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag munang humingi ng tulong sa US sa pamamagitan ng mutual defense treaty.

Ayon kay Batongbakal, tama ang pasya ni Marcos na idaan sa mapayapa at diplomatikong pamamaraan ang pagresolba ng gulo sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea (WPS).

“Sa tingin ko, iyon po ‘yung punto noong sinabi nga ng Pangulo na it’s not the right time. Tama naman po ‘no, hindi naman puwede na bawat sugat mo eh tatakbo ka na kay ‘Big Brother’,” saad ni Batongbakal.

“Ang atensiyon po nakatuon doon sa article na iyon, Article 4 ‘no, armed attack. Eh mayroon na pong Article 3 ‘no – eh sa Article 3 po malinaw din doon na for any other situation ‘no, iyon pong dalawang partido ay nag-commit na magtutulungan sa pagsagot sa mga challenges sa kanilang security ‘no. So diyan po papasok iyong magiging response dito sa ganitong klaseng situation,” paliwanag pa niya.

“Kaya nga po nagtutulungan ang US at Philippines pagdating doon sa operations sa West Philippine Sea – ang minimum po diyan, kita natin information-sharing at saka monitoring, iyong surveillance, malinaw iyan na nangyayari na,” dagdag pa ni Batongbakal.

Paliwanag pa ng eksperto, ang defense treaty ay hindi nangangahulugan na digmaan agad ang solusyon sa bawat sigalot.

“Iyong Mutual Defense Treaty, hindi po siya kumbaga inactive and then i-activate ‘no – it is already enforced between the parties,” aniya pa.

“Ang problema lang kasi doon, mayroong parang misunderstanding, may misconception na ‘pag sinabi mong ‘triggered the Mutual Defense Treaty,’ mag-uumpisa ka ng giyera. Hindi po iyon ‘yung konsepto noon,” wika pa ni Batongbakal.