PBBM nilagdaan ‘Negros Island Region Act’

Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang batas na lumilikha ng bagong Negros Island Region.

Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas na lumilikha ng bagong Negros Island Region.

Nitong Huwebes, Hunyo 13 ay isinabatas ang Republic Act 12000, na siyang magsasama ng mga probinsya ng Negros Occidental, Negros Oriental, at Siquijor sa isang rehiyon.

Bukod pa riyan, makakasama rin dito ang Lungsod ng Bacolod.

Matatandaang ipinasa ng House of Representatives ang kanilang bersyon ng NIR Act noong Marso 2023, habang inaprubahan naman ng Senado sa panghuling pagbasa ang naturang panukala noong Marso ngayong taon.

Samantala, ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office, layon ng batas na dagdagan ang kabuuang bilang ng mga rehiyon sa bansa sa 18.

Sa pamamagitan din nito, maisusulong ang desentralisasyon ng administrasyon at mapapalakas ang lokal na awtonomiya.

“This union is long overdue and makes very practical sense, especially in the Negros Island, where people are located on one island but are governed under separate administrative regions,” pahayag ng Pangulo.

“So, for decades now, Negrenses have endured the rigors of sea travel, unnecessary expenses, bureaucratic red tape, [and] inefficiency that this arrangement has brought, especially when there is a need to urgently access government services from regional centers on other islands,” dagdag pa nito.