PBBM, namahagi ng bigas sa mga residente ng Maynila; ipagpapatuloy ito sa mga ibang lugar

Kaysa masira lang ulit sa imbakan, minabuti na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipamahagi ang bahagi ng na-kumpiskang bigas mula Zamboanga City sa mga residente ng Maynila.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbabahagi ng kinumpiskang puslit na bigas sa 1,000 residente ng San Andres, Manila.

Patunay ito sa punto ng Pangulo na mayroon sapat na bigas sa merkado, at kaya lang tumataas ang presyo nito dahil sa mga walang konsensyang smuggler at hoarder na nilarawan niya bilang mga bukbok.

“Bilang patunay na ang pamahalaan ay seryoso sa pagsugpo ng smuggling – ang mga bitbit po naming mga bigas ngayon ay mula sa mga nakumpiskang supply sa Zamboanga Port, na napatunayang hindi dumaan sa legal na proseso ng importasyon,” ani Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.

Minabuti na ng Pangulo na ipamahagi ang puslit na bigas, na nakumpiska ng Bureau of Customs mula sa Zamboanga City, kaysa ma-imbak ito muli sa warehouse at masira lamang. Nakatanggap ang bawat benepisyaryo ng 25 kilo ng bigas.

“Sapat ang supply ng bigas dito sa Pilipinas. Ang kailangan lamang po ay ang maayos na pamamahala ng produksyon at bentahan nito,” ayon sa Pangulo.

Matapos kumpiskahin ng Customs ang puslit na bigas, na umabot sa 42,180 sacks, ibinigay nito ang mga sako sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.