PBBM, nakiramay sa mga naulilang pamilya ng 2 Pinoy na namatay sa kaguluhan sa Israel

Handa ibigay ng gobyerno ang lahat ng pangangailangan ng mga naulilang ng dalawang Pilipino na namatay sa gitna ng bakbakan sa pagitan ng Israel at Hamas, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Personal na nakiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga naulilang pamilya ng dalawang biktima sa kaguluhan sa pagitan ng Israel at teroristang Hamas.

Tinawagan ng Pangulo ang maybahay ng Pilipinong nakumpirmang pinatay sa gitna ng bakbakan ng Israel at Hamas na nagsimula noong nakalipas na weekend.

Siniguro ng Pangulo na tutulungan nito ang biyuda na mabigyan ng maayos na libing ang kanyang asawa kapag humupa na ang tension sa lugar.

“Gusto ko rin na kausapin ka para makiramay … Napakalaking gulo talaga ‘yung nangyari. Wala namang may akala na ganun ang magiging giyera diyan sa Israel,” sinabi ng Pangulo sa biyuda.

“Magsabi sa amin kung ano kailangan mo. Nandito ang gobyerno para tulungan ka … gusto ko lang makausap ka para alam mo naman inaalala ka namin at nakikiramay hindi lamang ako, buong pamilya ko, lahat ng Pilipinas ay nakikiramay sa iyo,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.

Inatasan na rin ng Pangulo si Philippine Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr. na makipagugnayan sa mga pamilya ng biktima at iparating ang lahat ng tulong na kailangan nila.

“Sabihin mo lang sa kaniya. Ready kami para tumulong para sa lahat ng kailangan niyo … gagawin namin lahat ng kailangang gawin,” ani Pangulong Marcos.

“’Yung government ay nandiyan. Nandiyan si Ambassador Laylo, naco-contact naman. Makakaprovide kami ng lahat ng financial assistance na kailangan ninyo at asahan ninyo na titignan namin lahat ng puwedeng gawin para makauwi … basta susubukan namin lahat ng aming gagawin,” dagdag pa niya.