PBBM, may pasaring sa China!

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa natapos ang laban ng Pilipinas para makamit ang kanilang tunay na kalayaan laban sa mga puwersang nagsisikap mang-agaw ng mga teritoryo ng bansa.

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa natapos ang laban ng Pilipinas para makamit ang kanilang tunay na kalayaan laban sa mga puwersang nagsisikap mang-agaw ng mga teritoryo ng bansa.

Sa kanyang weekly vlog, sinabi ng Pangulo na patuloy pa ring ipinaglalaban ng mga Pilipino ang kalayaan sa iba’t ibang aspeto, lalo na sa pagtatanggol ng teritoryo at soberanya ng bansa.

“Sa nakaraang 126 na taon, hanggang ngayon patuloy nating ipinaglalaban ang ating kalayaan. Kalayaan sa iba’t ibang aspeto ng ating pagka-Pilipino, higit dito kalayaan sa ating teritoryo, soberanya,” bulalas ng Pangulo.

Hindi naman pinalampas ng Pangulo ang pagpupumilit ng China na angkinin ang ilang teritoryong pag-aari ng Pilipinas. Bagamat hindi pinangalanan, pinitik niya ito sa kanyang mensahe.

Iginiit ng Presidente na patuloy ang pagsisikap ng gobyerno na magbantay at makipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa upang maibangon at maisulong ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipino.

Hinimok ni Pangulong Marcos Jr. ang lahat ng mamamayan na buhayin ang diwa ng pagka-Pilipino at ipagdiwang nang buong puso ang Araw ng Kalayaan.

“Nitong buwan ng kalayaan, gisingin pa natin ang ating diwa sa pagka-Pilipino, buhayin ang mga nasyonalismo sa ating dugo at iwagayway ang bandilang Pilipino, dapat makilahok tayong lahat sa pagdiriwang na ito,” aniya.