PBBM: Mas magandang ugnayan ng Pilipinas at Singapore, bunga ng kanyang pagbisita roon

Magkakaroon ng mas magandang samahan at pakikipagtulungan ang Pilipinas at Singapore, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mas magandang samahan at pakikipagtulungan sa gobyerno ng Singapore matapos ang pakikipagpulong niya kina Prime Minister Lee Hsien Loong at Deputy Prime Minister Lawrence Wong.

Ayon sa Pangulo, nagkaroon siya ng pagkakataong talakayin ang mga mahahalagang usapin sa mga lider ng Singapore nang makasama niya ito sa isang pulong noong Linggo, Setyembre 17.

“The discussions with Prime Minister Lee Hsien Loong and Deputy PM Lawrence Wong have been promising. Our countries can expect enhanced collaboration on multiple fronts to address common global challenges,” sinabi ng Pangulong Marcos matapos ang hapunan na inihanda ni Lee.

“Later in the evening, we watched Ferrari clinch the podium at the F1 Grand Prix,” dagdag pa ng Pangulo.

Kinumbida ni Lee ang Pangulong Marcos para manood ng F1 Grand Prix sa Singapore.

Nagtungo ang Pangulo sa Singapore sa isang opisyal na pagbisita kung saan dumalo siya sa mga pulong at events. Kasama na rito ang pagdalo sa Asia Summit ng Milken Institute kung saan ipinakita ng Pangulo ang mga inisyatibo ng gobyerno para pagandahin ang buhay ng mga Pilipino.

Nakakuha rin ang Pangulong Marcos ng kumpirmasyon sa karagdagang P11-bilyong investment pledge mula sa Dyson na mapalawak pa sa operasyon nito sa bansa hanggang 2024.

Nakausap rin ng Pangulo ang Malaysian retail specialist na Valiram Group, na nais pang palawakin ang operasyon nila sa bansa sa pamamagitan ng paglikha ng mga airport outlets para sa duty-free retail tourism.

Nagtungo rin ang Pangulo sa Lucky Plaza noong Linggo para pulsuhan ang mga kababayan nating OFW na madalas na nagpupunta doon tuwing day off nila.