PBBM: Interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea, isusulong sa ASEAN summit

Prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang interes ng Pilipinas sa gaganapin na ASEAN summit sa Jakarta.

Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes, Setyembre 4, na isusulong niya ang interes ng bansa sa ika-43 na pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gaganapin sa Jakarta, Indonesia mula Setyembre 5 hanggang 7.

Iyan ang isa sa mga sambit ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati bago ito lumipad patungong Indonesia noon Lunes.

“Once again, I will use this opportunity to advance Philippine priorities in ASEAN and work with our other ASEAN Member States not only in addressing the complex challenges facing the region, but also in pursuing opportunities for ASEAN as an ‘epicentrum of growth,” sambit ng pangulo sa kanyang talumpati sa Villamor Air Base sa Pasay City kung saan ginawaran siya ng departure honors.

Alinsunod dito, si Marcos ay lalahok sa ASEAN Plus Three at East Asia Summits upang talakayin ang mga pag-unlad sa South China Sea, ang sitwasyon sa Myanmar, at ang tunggalian ng Russia at Ukraine.

Inaasahang dadalo rin si Marcos sa 13 leader’s level engagements kasama ang ibang mga lider, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Dagdag pa ni Marcos: “My administration will continue to ensure that our constructive engagements with ASEAN, our Dialogue Partners, and stakeholders serve our national interest and the well-being of the Filipino people.”