PBBM, hinirang si Kiko Tiu Laurel bilang Agriculture secretary

Matapos ang mahigit isang taon ay nagtalaga na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng sariling kalihim ng Department of Agriculture. At ang nagwagi: si Francisco Tiu Laurel Jr. ng Frabelle Fishing Corporation.

Mahigit isang taon matapos pormal na maupo sa Palasyo ay nakahanap na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng kalihim sa Department of Agriculture (DA).

Nitong Biyernes, Nobyembre 3, ay pinangalanan ni Marcos si Francisco Tiu Laurel Jr. bilang kalihim ng DA.

Si Laurel ay kilala bilang isang fishing tycoon at ang may-ari ng pamosong Frabelle Fishing Corporation. Siya rin ang president ng Agusan Power Company.

Kabilang rin si Laurel sa Private Sector Advisory Council (PSAC) na binuo upang magrekomenda ng mga polisiya at hakbangin na magpapalago ng ekonomiya ng bansa.

Sa kaniyang pag-upo bilang kalihim ng DA ay kakaharapin niya ang iba’t ibang matitinding hamon, partikular na ang food security na prayoridad ng pamahalaan at ang pagmomodernisa ng sektor ng agrikultura.

Samantala, sa pagtatalaga ng bagong kalihim ng DA ay bibitawan na ni Marcos ang posisyon hinawakan niya simula pa lamang ng pag-upo niya bilang pangulo noong Hunyo 2022.