PBBM, hinikayat ang North Korea na itigil na ang nuclear program nito

Nababahala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga gingagawang interballistic missile testing ng North Korea, kung kaya't hinimok nito ang nasabing bansa na tigilan na ang mga ito.

Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Democratic People’s Republic of Korea (DPRK) na ganap na sumunod sa mga United Nations (UN) Security Council Resolutions na naglalayong i-denuclearize ang nasabing bansa.

Ang panawagang ito ng pangulo ay kasunod ng mga isinagawang intercontinental ballistic missile tests ng North Korea kamakailan lamang.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang kanyang panawagan nitong Miyerkules, Setyembre 6, sa ika-24 Association of Southeast Asian Nations-Republic of Korea (ASEAN-ROK) Summit na ginanap sa Jakarta, Indonesia.

“In the interest of maintaining peace and stability in the region, we express grave concern over the recent surge of intercontinental ballistic missile launches conducted by the DPRK,” sambit ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati kaharap ang mga lider ng ASEAN at ni South Korean President Yoon Suk Yeol. “We underscore the need for the DPRK to fully comply with all UN Security Council Resolution.”

Binigyang-diin rin ng pangulo ang pagsuporta ng Pilipinas sa “ROK’s Audacious Initiative,” na naglalayong i-denuclearize ang DPRK upang matamo ang pangmatagalang kapayapaan at kaayusan hindi lamang sa Korean Peninsula kundi pati na rin sa buong mundo.