PBBM: Digitalization ng Pilipinas ‘in full swing’ na

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patungo na sa isang digital future ang Pilipinas.

Habang tuluyang nagiging digital ang ibang mga bansa, tila nahuhuli naman ang Pilipinas.

Gayunpaman, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules, Setyembre 13, na “in full swing” na ang digitalization ng bansa, at ito aniya ay isa sa mga susi upang mahimok ng Pilipinas ang mga business owners na mamuhunan dito.

“The Philippines’ tech ecosystem is thriving, marked by a dynamic start-up culture and advancements in e-commerce, in fintech, and in digital services, which have flourished during the pandemic,” pahayag ni Marcos sa kanyang keynote speech sa ika-10 Asia Summit na inorganisa ng Milken Institute in Singapore.

Kaugnay nito, sinabi ni Marcos na may halos 85 milyong Pilipino ang gumagamit na ng internet, na katumbas sa 73.1 porsiyentong internet penetration.

Dagdag pa ng pangulo, nangunguna na ang Pilipinas sa customer support at healthcare services, samantalang pumapangalawa naman ito sa India bilang top destination ng mga outsourcing businesses.

Matatandaang ibinida na rin ni Marcos ang malaking papel ng digital technologies sa pagpapalago ng agrikultura ng bansa.