PBBM: Bukas ang Pilipinas sa lahat ng nais mamuhunan

Kasado ang lahat ng paraan para mahikayat ang patuloy na pagpasok ng mga investors sa Pilipinas, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy ang pagtrabaho ng administrasyon para padaliin pa lalo ang pagnenegosyo sa bansa sa pamamagitan ng pagpapabilis ng mga proseso sa gobyerno.

Sinabi ng Pangulo sa 2023 Asia Summit na ginawa sa Singapore, na marami nang hakbang ang ginawa ng gobyerno para mahikayat pa ang mga mamumuhunan na maglagak pa ng pera sa bansa sa pamamagitan ng karagdagang investment.

Ayon sa Pangulo, kanyang prayoridad na tugunan ang suliranin sa supply ng kuryente at patuloy na pagpapasimple ng proseso sa gobyerno, na siyang karaniwang hinaing ng mga negosyante sa bansa.

“Our power generation was not sufficient or was not properly distributed, the prices were high and then number two problem was the ease of doing business, i.e. the bureaucracy had gone a little bit out of control. And that is something that we immediately have begun to address,” ayon sa Pangulo.

“On the ease of doing business, we have changed many of the rules, we have changed many of the systems,” dagdag pa niya. “And underlying all of that is the digital transformation of the bureaucracy, so that ease of doing business is again an advantage once we get it done thoroughly through the entire bureaucratic system.”

Paliwanag pa ni Marcos, tuloy ang trabaho ng Kongreso, sa panunungkulan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sa pag-amyenda sa batas at paglikha pa ng mga polisiyang mag-aalok ng mga iba’t ibang mga insentibo, taripa, tax holidays, at iba pang perks para lalo pang pumasok ang mga investors sa bansa.