PBBM, aprubado ang bagong takdang presyo sa bilihan ng palay ng NFA

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bagong buying prices ng palay para mas mahikayat ang mga magsasaka ipagpatuloy ang pagtanim ng palay, at siguruhing hindi magkakaroon ito ng epekto sa pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.

Nagtakda ng presyo ang National Food Authority (NFA) Council sa pagbili nito ng palay, na layuning pagandahin pa ang kita ng mga magsasaka at maghikayat na magtanim para siguruhin na sapat ang supply ng karaniwang pagkain ng Pilipino.

Nagpulong ang konseho, na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang humanap ng solusyon na mag-eenganyo sa mga magsasaka na ipagpatuloy ang pagtanim ng palay. Isa sa mga rekomendasyon ng konseho ang pagtatakda sa buying price ng palay, na siyang inaprubahan ng Pangulo kalaunan sa pulong.

“Nagtawag ako ng meeting ng NFA Council para tingnan ang paanong puwedeng gawin para ang presyo ng pambili ng NFA sa palay, ‘yung wet at saka ‘yung dry, ay kailangan nating tingnan dahil nagbago na ang sitwasyon,” sinabi ni Pangulong Marcos matapos ang pulong ng NFA Council.

“At ganoon nga ang pinag-meeting-an namin at nag-decide kami na ngayon ang buying price ng NFA mula ngayon ay sa dry ay 19 to 23, ang wet ay magiging 16 to 19. Iyon ang naging desisyon ng mga NFA Council,” dagdag pa ng Pangulo.

Paliwanag ng Pangulo, mas magkakaroon ng magandang kita ang mga magsasaka sa bagong takdang presyo sa pagbili ng palay, lalo na’t mas abot kaya na ang pagtatanim nito sa tulong ng mga programang ipinatutupad ng gobyerno.

“So, mayroon na silang pagkikitaan. At bukod pa roon, nandiyan na ‘yung price cap para maikalma natin itong nangyayari sa rice prices,” ayon kay Pangulong Marcos, na tumatayo rin bilang kalihim ng Department of Agriculture.

Unang iminungkahi ang P20 at P25 bilang buying prices ng palay, na siyang napakataas at magdudulot lamang ng mas mahal na bentahan ng bigas, ayon sa NFA. Ngunit sa inaprubahang price range, balansiyado ang kita ng mga magsasaka at hindi ito makakaapekto sa bentahan ng bigas sa merkado.