Paulit-ulit na lang: Transport group, ikinakasa muli ang tatlong araw na tigil-pasada kontra PUV Modernization

Binigyan ng Department of Transportation nang hanggang Disyembre 31, 2023 ang mga tsuper at operator para gawin ang franchise consolidation, o ang pagbuo ng kooperatiba o korporasyon.

Nakatakdang magwelga ng tatlong sunod na araw ang transport group na Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) bilang protesta sa direktiba ng pamahalaan na bumuo ang mga tsuper at jeepney operator ng korporasyon o kooperatiba.

Ito ang isa sa mga kailangan upang makapag-apply ng prangkisa sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan. Nagbigay ang Department of Transportation nang hanggang Disyembre 31 upang magawa ng mga tsuper at operator ang naturang franchise consolidation.

“The franchise consolidation scheme may result in the monopoly of a few big fleet managers or corporations who have the necessary capitalization to control PUV routes, thus concentrating market control in the hands of a few corporate entities and effectively stripping small-time operators of their democratic control over their vehicles and livelihoods,” saad ni PISTON National President Mody Floranda sa isang pahayag.

Bukod sa pagkontra sa naturang direktiba, may iba pang kahilingan ang PISTON sa pamahalaan. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:

• Pagbalik sa limang taon sa mga prangkisa ng lahat ng jeepney

• Cash aid o financial assistance sa maaapektuhan ng modernisasyon

• Pagtanggal sa franchise consolidation