Patok sa mga turista: Plano ni Romualdez sa Pag-asa, umani ng suporta

Una nang isinulong ng isang mambabatas na gawing recreational fishing at diving spot ang Pag-asa Island sa West Philippine Sea, kaya suportado nito ang mga plano ni Speaker Martin Romualdez na gawin itong bahagi ng Maldives ng Pilipinas kasama ang Kalayaan Group of Islands.

Pabor ang isang ginagalang na miyembre ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa plano ni House Speaker Martin Romualdez na i-develop ang Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS) at gawin itong mala-Maldives na tourist destination.

“The Speaker’s plan to upgrade Pag-asa’s airfield, wharf, and boat shelter port reinforces our proposal to establish the island as a tourist attraction,” paliwanag ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa isang pahayag nitong Linggo, Oktubre 15. “Pag-asa is surrounded by rich marine life, making it ideal for diving and fishing for leisure, exercise, or competition…Pag-asa is a case of if we build enough structures, tourists will come.”

Noon lamang Nobyembre 2022, isinulong ni Pimentel ang House Bill (HB) No. 6228, na naglalayong ideklarang recreational fishing and dive spot ang Pag-asa Island sa ilalim ng National Tourism Development Plan.

Inanunsiyo kamakailan ni Romualdez ang planong i-develop ang Pag-asa Island at ang Kalayaan Island Group upang gawin itong Maldives ng Pilipinas.