Patikim sa pagtanggal ng prangkisa na ba ito? Operasyon ng SMNI, suspendido ng 30 araw—NTC

Nakitaan ang Sonshine Media Network International (SMNI) ng mga maituturing na paglabag sa prangkisang iginawad ng gobyerno sa pamamagitan ng Kongreso, kaya ipinagutos ng National Telecommunications Commission ang pagsuspindi sa operasyon nito sa loob ng 30 araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naturang network.

Sinuspindi ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa loob ng 30 araw dahil sa mga diumano’y paglabag sa mga kundisyon at probisyon ng prangkisa nito.

Una nang nakatanggap ang NTC noong Disyembre 12 ng kopya ng resolusyon ng House of Representatives na tumukoy sa tatlong paglabag ng SMNI sa prangkisa nito:

1. Sinasadyang pagpapakalat ng fake news.

2. Pagpapamahagi ng shares nito na walang pahintulot ng Kamara.

3. Kabiguan isapubliko ang 30% ng outstanding stock nito.

Bagaman ibinaba ang suspensiyon, bibigyan ng NTC ang Swara Sug Media Korporation, na siyang nagpapatakbo ng SMNI, ng 15 araw mula sa pagkakatanggap ng show-cause order ng suspensiyon para magpaliwanag kung bakit hindi dapat parusahan ang network.

Nagtakda na rin ng administrative hearing ang ahensya sa Enero 4, 2024.